Matagumpay na isinagawa ang Ceremonial Turnover at House Blessing para sa mga tauhan ng PRO 4A na sina Pat Nikki L Brotonel at PCpl Mergelyn B Brotonel sa Barangay Leviste, Laurel, Batangas nito lamang ika-23 ng Disyembre 2024.
Pinangunahan ni Police General Rommel Francisco D Marbil, Chief ng Philippine National Police, ang ceremonial turnover at blessing ng bagong bahay para sa mag-asawang Brotonel.
Nagsimula ang okasyon sa isang taimtim na basbas na pinangunahan ni Rev. Fr. Police Colonel Heintje L. Cañete, na sinundan ng opisyal na turnover ng bahay sa mga benepisyaryo.
Si Police Brigadier General Paul Kenneth T. Lucas, Regional Director ng Police Regional Office (PRO) CALABARZON, kasama ang PRO 4A Command Group at PCol Jacinto R. Malinao Jr., Acting Provincial Director ng Batangas PPO, ay nakiisa sa naturang seremonya.
Nagkaroon din ng paggawad ng parangal sa mga tauhan ng PNP na tumulong upang agarang maitayo ang tahanan na inabot lamang ng mahigit isang buwan para tuluyan itong mabuo at matirhan ng pamilyang Brotonel.
Sa Mensahe ni PGen Marbil, binigyang-diin niya ang pangako ng PNP sa kapakanan ng mga tauhan nito, “Kahit isang Pulis, importante sa amin. Hindi po namin kayo iiwanan sa PNP.”
Ang inisyatibong ito ay nagtatampok ng dedikasyon ng PNP sa pagsuporta sa mga miyembro nito, lalo na sa panahon ng paghihirap. Taos pusong nagpasalamat ang pamilya Brotonel sa pagbuhos ng suporta mula sa pamunuan ng PNP at sa kanilang mga kasamahan na nagpapahiwatig ng nagkakaisang pagsisikap na pasiglahin at muling itayo ang mga buhay na apektado ng mga kalamidad.