Matagumpay na isinagawa ng Surigao del Sur Police Provincial Office ang Ceremonial Christmas Light-up na ginanap sa Camp Hon. Vicente L. Pimentel Sr., Tandag City nito lamang ika-25 ng Nobyembre, 2024.
Pinangunahan ni Police Colonel Harry B. Domingo, Provincial Director ng Surigao del Sur Police Provincial Office, ang makulay na programa na dinaluhan ng mga opisyal, kawani ng kapulisan, at mga piling panauhin.
Nagsimula ang seremonya sa isang mensahe ng pagbati mula kay Police Lieutenant Colonel Florence D. Murao, Deputy Provincial Director for Operations na sinundan ng pagbasa ng “Rationale of Christmas” ni Police Major June O. Hontanosas, Chief ng Provincial Community Affairs and Development Unit (PCADU), kung saan binigyang-pansin ang espiritwal na diwa ng selebrasyon bilang paggunita sa kapanganakan ni Kristo.
Ang pormal na pagpapailaw ng makulay na mga palamuti sa buong grounds ay simbolo ng pag-asa, Liwanag, at pagpapalaganap ng pagkakaisa at malasakit ngayong Kapaskuhan.
Layunin ng aktibidad na ito na hindi lamang ipamalas ang diwa ng Kapaskuhan, kundi palakasin din ang ugnayan ng kapulisan at komunidad na kanilang tapat na pinaglilingkuran.
“We must learn to humble ourselves no matter how rich or financially blessed we are, because Christ Himself is the epitome of humility”, ani PCol Domingo.
Panulat ni Patrolwoman Karen Mallillin