Pinatunayan ng Valley Cops ang patuloy na pagpapaigting sa mga operasyon laban sa kriminalidad at paghuli sa mga taong nagkasala sa batas.
Bilang resulta, nahuli ang tinaguriang Top Most Wanted Person ng Rehiyon Dos sa Barangay Nanguilattan, Peñablanca, Cagayan noong Nobyembre 2, 2021.
Kinilala ang suspek na si Michael Marcos, 36 anyos, may asawa at residente ng nabanggit na lugar.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib pwersa ng Peñablanca Police Station sa pangunguna ni Police Major George Maribbay, 1st Cagayan PMFC sa pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Lord Wilson Adorio, at 204th Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 na pinangunahan ni Police Lieutenant Efren Caronan.
Inaresto si Marcos sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ni Judge Lyliha Abella-Aquino, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 4, Tuguegarao City, Cagayan, para sa kasong Rape (160 counts) na may petsang Oktober 4, 2021, at walang kaukulang piyansa.
Ayon sa salaysay ng biktima, 13-anyos siya nang nagsimula siyang molestiyahin ng suspek na itinuturing niyang stepfather. Ginagawa niya ito ng apat na beses sa isang Linggo mula September 2019 hanggang noong ika-25 ng Hunyo, 2020. Dagdag ng biktima, pinagbabantaan rin siya ng suspek na papatayin kapag magsumbong.
Nagtungo ang biktima kasama ang kanyang tiyahin sa Peñablanca Police Station noong Hulyo 3, 2020 para magreklamo sa ginagawang kahalayan ng kanyang ama-amahan.
Napag-alaman na ang biktima ay naiwan sa pangangalaga ng suspek dahil ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa ngayon, si Marcos ay nasa kustodiya ng Peñablanca Police Station para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Source: PRO 2 RPIO
#####
Article by Police Corporal Carla Mae P Canapi