Cagayan – Naghatid saya ang Cagayan PNP sa mga katutubong Agta sa pamamagitan ng isang Community Outreach Program na ginanap nitong Linggo, ika-22 ng Enero 2023 sa Brgy. Capagaran, Allacapan, Cagayan.
Ayon kay Police Major Florentino Marallag Jr, Deputy Force Commander ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company, nasa 100 na katutubo ang napasaya ng naturang programa na pinangunahan ng kanilang himpilan.
Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng mga bagong tsinelas, libro, laruan, at mga damit. Maliban dito, nagkaroon din ng feeding activity, sayawan, at parlor games na lubhang nagbigay galak lalo na sa mga batang kalahok.
Katuwang ng mga kapulisan sa nasabing aktibidad ang mga miyembro ng kanilang Company Advisory Group sa pangunguna ni SB Marites Tacipit, Advocacy Support Groups, at mga opisyales ng Barangay.
Samantala, lubos naman ang naging pasasalamat ng mga katutubo sa mga pulis dahil kahit malayo umano ang kanilang lugar ay lagi pa rin silang binibisita ng mga ito at hinahandugan ng mga regalo at biyaya.
Sinisiguro naman ni Police Lieutenant Colonel Wilhelmino Saldivar Jr, Force Commander ng 2nd CPMFC na patuloy na magsasagawa ang kanilang hanay ng mga Community Outreach Programs sa mga liblib na lugar upang maipaabot sa mga Indigenous People ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan.
Source: 2nd Cagayan PMFC
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes