NAIA Terminal 3 – Arestado ang isang babaeng anim na buwang buntis sa NAIA Terminal 3 dahil sa kaso nitong Qualified Theft hapon ng Huwebes, May 5, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Cesar Gerente, Chief, Aviation Security Group ng National Capital Region ang suspek na si Elgen Soratos y Abbu, 27, may asawa, residente ng Brgy. Agusan, Cagayan De Oro City.
Ayon kay PCol Gerente, nahuli si Soratos alas-5:38 ng hapon sa bisa ng Bureau of Immigration (BI) Alert List Order at Warrant of Arrest na inisyu noong March 28, 2019 ni Honorable Janice R Yulo Antero ng NCR RTC Branch 16 at may nirekomendang piyansa na Php90,000.
Napag-alaman naman ng otoridad na ang suspek ay dating cashier sa isang lending company sa Sampaloc, Manila kung saan galing ang reklamo.
Iginiit naman ni Soratos ang akusasyong ito laban sa kanya.
Ang suspek ay maayos namang naturned-over ng PNP AVSEG sa Manila Police District nitong Biyernes, May 6, 2022.
Sinigurado naman ni PCol Gerente na patuloy na makikipagtulungan ang kanilang hanay sa ibang ahensya ng gobyerno para mahuli ang mga taong pilit tinatakasan ang kanilang pagkakasala.
Source: AVSEU NCR
Panulat ni PCpl Jhoanna Marie Najera-Delos Santos