Nitong ika-28 ng Pebrero, isang pulis na naman ang nasawi sa engkwentrong sinimulan ng mga teroristang komunista sa Brgy. Esperanza, Pilar, Sorsogon.
Nasawi sa engkwentro si Police Corporal Ryan M. Atos, miyembro ng 504th Maneuver Company na inatake ng mga komunistang terorista. Padagdag ng padagdag ang bilang ng ating mga kapulisan na nasasawi bunsod ng walang habas na armadong tunggalian.
Sa loob ng higit limang dekada, paulit ulit ang pataksil na pag-atake at pagpatay sa ating mga kapulisan sa kanilang kampo man o pati sa mga komunidad habang nagbibigay serbisyo sa ating mga kababayan at kadalasan pati mga sibilyan ay nadadamay.
Sibilyan, pulis o sundalo; babae man o lalake; sanggol man o matanda, walang pinipiling biktima ang mga CTG. Ilan pang mga pulis at sundalo ang magbubuwis ng buhay dahil sa mga patraydor na pamamaslang ng teroristang grupong ito?
Ilang kapulisan na ang naisakripisyo sa altar ng karahasan at kademonyohan ng ideolohiyang komunismo na ipinaglalaban ng mga rebeldeng komunista. Ilan pang PCpl Atos ang magbubuwis ng buhay upang tuluyang mapuksa at mapalaya ang ating bansa mula sa kasamaang dulot ng mga teroristang komunista? Ilan pang mga sibilyan ang lubhang masusugatan at babawian ng buhay dahil daw aksidenteng napaulanan ng bala ang mga ito?
Balot ng pighati, buong giting na sumasaludo ang bawat miyembro ng hanay ng pambansang pulisya kay PCpl Atos. Umasa ka na kaming mga nabubuhay ang magpapatuloy sa iyong mga nasimulan. Lagi naming babaunin at babalikatin ang sakripisyo mo at ng iba pa nating kasamahan sa ngalan ng tapat na serbisyo publiko.
Bilang pagpapaigting sa mga programa upang tuluyang wakasan ang karahasang dulot ng rebeldeng grupo, paulit ulit nating hinihimok ang ating mga kababayan na suportahan ang ating pambansang pulisya sa paghubad ng maskara ng mga mapagpanggap na komunista. Magtulungan tayong iligtas ang ating mga kababayan mula sa mga teroristang ito at tuluyang putulin ang serye ng mga patayan na ang grupong ito ang pasimuno. Naniniwala ang pambansang pulisya na ang pinakasolidong armas upang tuluyang mapalaya ang ating bansa mula sa kasamaan ng mga teroristang komunista ay ang buong tiwala at suporta ng sambayanang Pilipino.
Umasa naman ang ating mga kababayan na hindi matitinag ang paninindigan ng hanay ng pambansang pulisya na ipatupad ang mandato nitong magserbisyo at protektahan ang sambayanan kahit pa kapalit nito ay ang kanilang buhay.
Dahil ang serbisyong pulis ay may puso. May pusong matapang na kayang suungin ang anumang unos o pagsubok at may pusong buo kung magmahal na kahit pa sariling buhay ay kayang isangkalan masiguro lamang na ligtas ang ating bayan at mga kababayan.
###