Ang panganib na dulot ng pagiging isang alagad ng batas ay laging nakabuntot na anino sa isang responsableng kagawad ng pulisya. Ang karit ni KAMATAYAN ay laging nakaamba dahil sa ating banal na tungkuling ipatupad ang batas nang patas at walang kinikilingan. Kadalasang nasa bingit ng panganib ang ating mga operatiba dahil sa mga trabaho at kasong kanilang hinahawakan. Ang mga kasong kaugnay sa ilegal na droga ay isa sa mga sensitibong trabaho na kinakaharap ng ating anti-illegal drugs operatives.
Mahirap banggain ang mga sindikatong sangkot sa ilegal na droga. Marami silang perang panggastos upang makakuha ng proteksyon, kaya nilang magbayad ng mga de-kampanilyang abogado, tiwaling law enforcers, corrupt na piskal at maging mga tiwaling personnel ng judiciary at MEDIA. Kadalasang tinatadtad ng asunto ang isang pulis ng mga abogado ng drug syndicates upang bumaba ang moral nito at manghina ang loob. Wawasakin naman ng mga PR men ng sindikato, through character assassination, ang pagkatao ng pulis upang mawalan siya ng kredibilidad. Kapag hindi umubra ang harassment at pananakot, lalagyan nila ng presyo ang ulo mo upang burahin ka na nila nang tuluyan sa mundo.
Para sa isang tunay na pulis na kagaya ni Police Corporal (PCpl) Canete, buo ang loob na haharapin niya ang lahat ng pagsubok at panganib upang matupad ang kanyang sinumpaang tungkulin na ‘TO SERVE and PROTECT”.
October 21, 2008, bandang tanghali— galing sa isang hearing si PCpl Canete at patungo na ng Regional Headquarters sakay ng motorsiklo nang siya ay pataksil na binaril sa likod ng dalawang lalaking nakamotorsiklo. Kahit na malubhang nasugatan at sumadsad ang kanyang sasakyan sa railing ng Mactan-Mandaue bridge, pilit pa ring binunot ni Canete ang kanyang baril subalit di na niya ito naiputok dahil agad na nakalayo ang dalawang salarin at sa pangambang may matamaan siyang inosenteng tao.
Ayon sa isang saksi, dalawang lalaki na naka-jacket na itim at nakahelmet ang bumaril sa pulis at agad na tumakas papunta sa direksyon ng Mandaue. Agad na dinaluhan ng isang lalaki ang sugatang pulis subalit hindi na ito umabot nang buhay sa ospital. Batay sa inisyal na imbestigasyon at pagsisiyasat, marami nang natanggap na banta sa kanyang buhay si PCpl Canete dahil sa kanyang aktibong kampanya laban sa mga sindikato ng ilegal na droga. Bukod dito, may patong na umanong 70,000 pesos ang ulo ng pulis mula sa mga nasagasaan niyang sindikato dahil sa kanyang pagtupad sa tungkulin.
Isinilang noong February 15, 1969 at pumasok sa serbisyo noong September 16, 1996, unang nadestino si Canete sa Regional Mobile Group bago nasabak sa Anti-Illegal drugs campaign kung saan nahasa niya ang kasanayan sa surveillance at paglansag sa mga kasapi ng sindikato ng droga.
Kilalang isang dedikadong pulis, maraming beses ng nalagay sa peligro ang buhay ni Canete. Minsan ay nabugbog ito at nagulpi ng mga opisyal ng barangay habang nagsasagawa ng surveillance operation subalit nagbunga naman ng pagkakaaresto ng mga drug pushers sa Barangay Ibabao noong 2003. Ginawaran na rin siya ng Medalya ng Sugatang Magiting noong 2006 dahil sa pagresponde sa isang nabaril na Barangay Tanod at pakikipagbarilan sa suspek na si Alberto Palangan. Tinanamaan siya sa tiyan sa naganap na encounter subalit nahuli naman si Palangan.
Sa edad na 39 ay natuldukan ang buhay ng isang magiting na pulis na nagngangalang PCpl JOSE CLINT CANETE. Maraming mamamayan ng komunidad ang nanghinayang sa kanyang pagpanaw. Naulila niya ang kanyang tatlong anak na lalaki at maybahay na si Charito na isang OFW at nagtatrabaho sa DUBAI nang siya ay mapaslang. Gayunman, ang kawalan at pangungulilang nararamdaman ng mga kamag-anak, kaibigan, at mga kasamahan ni Canete ay unti-unting napapawi dahil sa alalahaning hindi nasayang ang inialay niyang buhay sa ngalan ng BATAS at KATARUNGAN. Sa bawat putok ng baril na inialay ng PNP sa libing ni PCpl Canete, umaalingawngaw din sa nag-aalab na dibdib ng bawat pulis ang panatang ang bawat isa sa atin ay handang mamatay at mag-alay ng buhay para sa mamamayang ating pinaglilingkuran.