Cauayan City, Isabela – Arestado ang isang kapitan at kanyang mga anak ng Isabela PNP matapos mahulihan ng mga baril, bala, at granada sa kanilang tahanan sa P-4 Brgy. Buyon, Cauayan City, Isabela nito lamang Sabado, Mayo 28, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Julio Go, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office, ang suspek na sina Jessie Eder Sr., 60, Brgy. Chairman ng Brgy. Buyon, Cauayan City, Isabela; Jessie Eder Jr, 33, at Rojie Eder, 39.
Ayon kay PCol Go, naaresto ang mga suspek bandang 12:20 ng madaling araw ng pinagsanib puwersa ng Cauayan City Police Station, PNP Special Action Force, Isabela Provincial Intelligence Unit, 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company, Regional Group of Special Concern, City Explosive Canine Unit, at Regional Intelligence Unit 2.
Nakumpiska sa mga suspek ang tatlong caliber 45 na baril, tatlong magazine para sa caliber 45, isang Improvised caliber 22, isang 12 gauge shotgun, dalawang improvise shotgun, isang caliber 38 revolver, apat na bala ng 12 gauge shotgun, isang magazine para sa m16 rifle, isang grenade launcher, isang hand granade, labing apat na bala ng caliber 45, labing isang bala ng caliber 38 revolver, tatlumpu’t limang bala ng m14 rifle, isang bala ng 9mm, tatlong basyo ng bala para sa caliber 45, at isang black holster.
Nahaharap ang mag-aama sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516.
Samantala, siniguro naman ni PCol Go na ang Isabela PNP ay hindi titigil sa pagpapatupad ng batas at paglaban sa kriminalidad upang masiguro ang kapayapaan at katahimikan sa komunidad.
Source: Cauayan City Police Station
###
Panulat ni Police Staff Sergeant Mary Joy D Reyes