Kulungan ang bagsak ng isang binatilyo matapos mahulihan ng baril at maaresto ng mga kapulisan ng Cebu City sa bandang Sitio Nivel Hills, Barangay Busay, Cebu City noong ika-29 ng Enero 2025.
Ayon kay Police Colonel Enrico E Figueroa, City Director ng Cebu City Police Office, bandang 4:20 ng hapon ng makatanggap ng sumbong ang mga awtoridad ukol sa armadong binatilyo na si “John”, 18 anyos, at residente ng naturang lugar.
Kaagad namang inaresto ng kapulisan ang nabanggit na suspek at narekober sa kanya ang isang unit ng .22 Caliber Magnum Revolver, Smith & Wesson na walang lisensya o anumang dokumentasyon.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at Comelec Resolution no. 11067 (Gun Ban).
Ang matagumpay na pagkaaresto ng suspek ay patunay lamang ng dedikasyon ng Cebu City PNP na tiyakin ang kaligtasan at kaayusan ng ating komunidad para sa isang Bagong Pilipinas.
Source: CCPO SR