Leyte – Pumalo na sa 53 katao ang naiulat ng Leyte Police Provincial Office na mga nasawi at nakuhang mga bangkay mula sa gumuhong lupa sa Baybay City at sa bayan ng Abuyog sa Leyte noong Martes, Abril 12, 2022.
Ayon kay Police Colonel Ewdin Balles, Provincial Director ng LPPO, 48 bangkay ang nahukay sa Baybay City na mula sa Brgy. Ng Mailhi, Bunga, Kantagnos, San Agustin, Maypatag, Pangasugan, Zone 21, Candadam, Caridad, at Can-ipa, dalawa naman ang narekober mula sa Bahay village sa Abuyog at isa pang bangkay ang natagpuan sa Tib-o village.
Iniulat din ng lokal na pulisya ng Pilar, na dalawa pang bangkay ang narekober matapos ang pagguho ng lupa sa Abuyog Martes ng gabi.
Hindi bababa sa 127 katao ang nasugatan sa bayan ng Pilar.
Hindi naman bababa sa 5,175 residente sa Baybay ang nananatili sa mga evacuation center matapos ang pagguho ng lupa at natabunan ang kanilang mga bahay na patuloy namang binabaha ang mga mababang komunidad.
Kabilang sa 53 ang nalunod na biktima sa Caranas village sa Motiong, Samar, ang death tally sa rehiyon dahil sa pananalasa ng Tropical Depression Agaton.
Ayon pa kay PCol Balles, 28 katao ang naiulat na nawawala at 105 ang nasugatan sa malawakang pagbaha at pagguho ng lupa sa Baybay City lamang.
Ang search, rescue, at retrieval team ay binubuo ng mga tauhan ng Philippine National Police, Philippine Army, City Disaster Risk Reduction and Management Office ng Baybay, Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard.
Patuloy naman ang Retrieval and Rescue Operation ng Leyte PNP kaagapay ang iba pang ahensya ng gobyerno upang maisalba ang iba pang mga naapektuhan ng bagyong Agaton.
###
Panulat ni Patrolwoman Rialyn B Valdez