Sa pagpapatuloy ng laban ng kapulisan upang maprotektahan ang kababaihan at kabataan, isa na namang suspect sa isang transnational crime ang matagumpay na naiuwi sa Pilipinas at naaresto ng Philippine National Police kahapon, Setyembre 12, 2024.
Sa bisa ng mga warrants of arrest na inilabas ng korte ng Pilipinas at ng Red Notice mula sa Interpol, nadakip sa Dubai, United Arab Emirates si Teddy Jay Mojeca Mejia, isang big-time child sex trafficker.
Sa isang pulong pambalitaan na ginanap sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3, inilahad ni SILG Benjamin Abalos, Jr. na si Mejia ay nadakip para sa mga kasong rape, child exploitation, at trafficking in persons in relation to anti cybercrime para sa pagbebenta ng mga child sexual abuse at exploitation materials sa dark web o ang tagong bahagi ng internet.
Ayon pa sa kanya, umabot sa 111 ang nabiktima ng nadakip na indibidwal na pawang mga bata na may humigit kumulang 13 taong gulang.
Ang krimen na isinagawa ni Mejia ay natuklasan ng kapulisan nang magmanman ang mga ito sa mga “pages” kung saan makikita ang mga larawan ng mga batang biktima.
Sa nasabing press conference din nailahad ang modus na ginawa ng naarestong lalaki upang mabiktima ang mga bata.
“Pinoprofile niya ‘yung mga bata; yung mga batang loner, mga batang matatalino… Icliclick bait niya, bibigyan ng 500 (at sasabihin niya) ‘magpadala ka ng litrato’. “
“Pagkatapos magpadala ng litrato, five hundred nang five hundred (para sa paulit ulit na pagpapadala ng larawan); kapag ayaw na ng bata, tatakutin na nito (at) ‘yung mukha nung bata, lalagyan niya ng fake na (katawan na) nakahubad,” saad ng kalihim.
Ang ilang mga biktima rin aniya ay pinapupunta ng suspect sa kanya at ginagahasa.
Ayon kay PBGen Portia Manalad, direktor ng Women and Children Protection Center, bilang bahagi ng kanilang mandato ay iniuwi nila sa Pilipinas ang suspect upang panagutin sa kanyang mga kasalanan.
“Kami po sa WCPC, inuwi po namin ang isa sa pinakamalaking violator ng OSAEC (Online Sexual Abuse or Exploitation of Children)…dito po natin ibibigay ang justice (para) sa 111 na victims,” saad ng heneral.
Samantala, siniguro ni Police General Rommel Francisco Marbil, Chief PNP, na makaaasa ang mga Pilipino na mas mapalalakas ng kapulisan ang kanilang pamamaraan sa pagsugpo sa mga ganitong uri ng krimen matapos ang kasunduan sa pagitan ng UAE at Pilipinas.
“We have (an) agreement with the UAE that they will help us built (sic) our own internet capability or application to really look into the dark web and exploit po ‘yung mga gumagamit po ng mga online sexual exploitation (materials).”
Si Mejia ay nakalista rin bilang “Top 1” sa Most Wanted Persons list ng Police Regional Office II.