Mactan, Cebu – Nakibahagi ang ating mga kapulisan sa pagtupad ng isang munting pangarap ng isang batang may stage 4 cancer sa Mactan, Cebu nito lamang Martes, Abril 5, 2022.
Si Ivan Mancia ay pitong taong gulang, taga Linao, Talisay City, Cebu na napag-alamang may stage 4 cancer (Lymph Nodes and Brain Tumor).
Si Ivan ay may munting kahilingan, ang makakita at makapaglarawan siya na nakasakay sa isang eroplano.
Sa pakikikipag-ugnayan ng mga nangangalaga kay Ivan sa pamunuan ng Mactan Cebu International Airport kasama ng ating mga kapulisan ng Mactan Cebu International Airport Police Station, Aviation Security Unit 7 at ng mga tauhan ng World Aviation Airlines ay agad na tinupad ang hiling ng bata.
Alas onse ng umaga noong Abril 5, 2022, lulan ng isang van, dumating si Ivan kasama nina Patrick Jumanil, National Director, Everlasting Hope Ministry Inc.; Dr. Marica Quingco, Volunteer Doctor; Yvea Latoza, Social Worker at Menchie Ros Mendez, NUP PRO 7 sa Mactan-Cebu International Airport at agad na dinala si Ivan sa General Aviation Area ng nasabing paliparan at dito natupad ang kanyang kahilingan na makakita at makasakay sa isang eroplano.
Lubos ang kagalakan sa mukha ng mga kasama niya dahil ito ang katangi-tanging hiling ng bata.
Nagpapasalamat naman ang mga nangangalaga kay Ivan sa lahat ng tumulong at nakibahagi para matupad ang munti niyang kahilingan. Isang simpleng kahilingan ngunit para kay Ivan, ito ay napakalaking bagay.
###
Panulat ni PSSg Jerome Discion