Nakumpiska ang mga ilegal na baril at hinihinalang marijuana sa ikinasang Search Warrant Operation ng mga awtoridad sa Sitio Resettlement, Barangay Bugso, Sen. Ninoy Aquino, Sultan Kudarat nito lamang umaga ng Miyerkules, Pebrero 21, 2024.
Naaresto ng mga operatiba ng Senator Ninoy Aquino Municipal Police Station, ang suspek na kinilalang si alyas “Abner” matapos marekober sa loob ng kanyang pamamahay ang 8.121 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana, isang cal 38 na baril at 9mm Uzi submachine gun, isang magasin, at mga bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Kaya naman bilang tugon dito ay walang humpay ang Pambansang Pulisya sa pagsasagawa ng iba’t ibang operasyon at kampanya na nakatutok sa rehabilitasyon at reintegration para sa mga kabataan upang makaiwas sa ilegal na droga, ganundin upang hulihin ang mga taong sangkot sa paggamit, pagbebenta, at nagbibigay proteksyon dito.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin