Nakumpiska ang tinatayang Php131,240 halaga ng pinaghihinalaang shabu sa isang Barangay Nutritionist sa isinagawang joint buy-bust operation sa Barangay Mother, Rosary Heights, Cotabato City nito lamang ika-16 ng Oktubre 2024.
Kinilala ni Police Colonel Jerone Orville P Panganiban, Commander ng PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 15, ang naarestong suspek na si alyas “Ate Bai”, 32 anyos, residente ng Bagua 3, Cotabato City.
Bandang 3:20 ng hapon nang ikasa ang operasyon ng PNP DEG SOU 15 katuwang ang Cotabato City Police Station 2, 1404th Regional Mobile Force Battalion 14-A, Philippine Drug Enforcement Agency BAR, Regional Intelligence Unit BAR na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Ate Bai” at pagkakakumpiska ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 19.3 gramo at may suggested detailed price na Php131,240, isang Php1,000 bill, Php24,000 boodle money, isang yunit ng Motorcycle Rusi, isang cellphone, apat na ID card, at tatlong iba’t ibang coin purse.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang suspek.
Samantala, tuloy-tuloy ang operasyon ng Cotabato City PNP upang panagutin ang mga lumalabag sa batas, sa layuning mapanatili ang kaayusan para sa patuloy na pag-unlad ng Bagong Pilipinas.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora J Agbuya