Castilla, Sorsogon – Arestado ang isang Barangay Kagawad para sa kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa isinagawang operasyon ng Sorsogon PNP sa Barangay Libtong, Castilla, Sorsogon nitong Sabado ng hapon, Abril 23, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Arturo Brual Jr, Provincial Director ng Sorsogon Police Provincial Office, ang suspek na si Rey Lazarte Mars, 41, Barangay Kagawad at residente ng nasabing barangay.
Ayon kay PCol Brual Jr, bandang 2:00 ng hapon naaresto ang suspek sa naturang lugar ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Provincial Special Operating Unit, Castilla Municipal Police Station at 1st and 2nd Sorsogon Provincial Mobile Force Company, Sorsogon Police Provincial Office.
Ayon pa kay PCol Brual Jr, nakuha sa suspek ang isang unit ng Caliber 38 Armscor revolver na may serial number na 896775 na puno ng live ammunition at tatlong spare live ammunition na walang mga dokumento.
Ang Pambansang Pulisya ay gagawin ang lahat maipatupad lamang ang Gun Ban ngayong nalalapit na halalan at para masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mamamayang Pilipino.
Source: Sorsogon PPO
###
Panulat ni Patrolman Jomar Danao