Midsayap, Cotabato – Sugatan ang isang Barangay Chairman sa insidente ng pamamaril sa Purok 2, Lower Glad, Midsayap, Cotabato, nito lamang Mayo 21, 2022.
Kinilala ni PLtCol Oranza ang biktima na si Nestor Mediam Rabara, 64, isang Barangay Chairman at residente ng Purok 2, Lower Glad, Midsayap, Cotabato.
Ayon kay PLtCol Rolly Oranza, Chief of Police ng Midsayap Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag ang kanilang istasyon mula sa isang concerned citizen na may nangyaring pamamaril sa nabanggit na lugar. Agad naman na nagpunta ang mga tauhan ng Midsayap MPS sa lugar upang kumpirmahin ang nasabing ulat.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng rumespondeng grupo, bandang 7:00 habang naghahapunan ang biktima sa loob ng kanyang bahay, pumuwesto ang hindi pa nakikilalang gunman sa likurang bahagi ng bahay at sa bukas na bintana ng kusina ay pinagbabaril ng suspek ang biktima ng tatlong beses at tumakas sa may palayan papuntang Barangay Mudseng.
Ang biktima ay nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kanyang binti at isa sa kanang puwitan. Agad naman isinugod sa Midsayap Community Doctors Hospital ang biktima para magamot.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang dalawang basyo ng kalibre .45 pistol at isang fired bullet. Ang mga nakuhang ebidensya ay agad na dinala sa North Cotabato Provincial Forensic Unit, Kidapawan City para sa Ballistic Examination habang ang motibo ay inaalam pa ng otoridad.
Samantala, nagsagawa ng hot pursuit operation ang Alert Team ng Midsayap MPS kasama ang 2nd CPMFC at mga elemento ng 34th IB, PA laban sa tumakas na suspek at inalerto ang lahat ng kalapit na checkpoint ng PNP at AFP para sa posibleng pagdakip sa suspek.
Mariing kinondena ni PCol Harold Ramos, Provincial Director ng North Cotabato ang pamamaril kay Brgy. Chairman Rabara. Hinikayat din niya ang publiko na makipag-ugnayan sa PNP kung mayroon silang anumang impormasyon na maaaring humantong sa agarang pagdakip sa mga suspek.
###
Panulat ni Patrolman Gio Batungbacal