Nakahanda na ang buong pwersa ng Philippine National Police sa pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa dulot ng Bagyong Enteng.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), ang Bagyong Enteng ay higit pang lumakas dahilan upang itaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa pitong lugar sa Luzon.
Ang mga wind signals ay nagbibigay babala sa publiko tungkol sa pangkalahatang banta ng hangin sa lugar dulot ng tropical cyclone. Inaasahan namang ang mga lokal na hangin ay maaaring medyo lumakas o maging mas matindi sa mga baybayin at mga lugar na mataas o gaya ng bundok habang ang hangin ay mas mahina sa mga lugar na nakatago mula sa direksyon ng umiiral na hangin.
Dagdag pa, ang pinakamataas na posibleng Wind Signal na maaaring itaas sa panahon ng pagdaan ng Enteng ay Wind Signal No. 3.
Samantala, nakaalerto na ang PNP sa agarang tulong na ibibigay sa ating mga kababayan na apektado ng bagyo. Ang mga Search and Rescue Equipment ay nakaantabay din upang gamitin sa gitna ng kalamidad.
Hinihikayat naman ng gobyerno at PNP ang publiko na manatiling nakatutok sa mga balita at manatiling kalmado at mag-iingat sa lahat ng oras.