Hinamon ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. ang bagong luklok na Hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Police General Nicolas D. Torre III na itaas ang antas ng pagtugon sa mga hamon sa seguridad ng bansa sa kanyang pamumuno.
Ito ang binigyang-diin ng pangulo sa ginanap na Change of Command Ceremony sa Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City, kung saan pinangasiwaan niya ang pormal na pagretiro ni PGen Rommel Francisco D. Marbil at pagpalit ni PGen Torre III bilang bagong Hepe ng PNP.
Ang seremonya ay tanda ng panibagong pambansang pangako ng bagong luklok para muling pagtibayin ang pinagsamang responsibilidad na itaguyod ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Pinasalamatan at pinuri ni Pangulong Marcos si PGen Marbil sa kanyang walang kapagurang pagtugon sa mga nakalipas na hamon sa kalamidad at seguridad ng katatapos na halalan nang may integridad, propesyonalismo, at paggalang sa karapatang pantao.
“Ipinakita ng PNP na walang katumbas ang buhay ng tao—mga buhay na nailigtas, napaglingkuran, at natulungang makabangon,” sabi ni Pangulong Marcos.
Sa pagbaling niya sa bagong pamunuan, inaasahan niya ang mas mataas na antas ng pagtugon sa mga transnational na krimen, cyber threats, violent extremism at mga maling pag-uugali sa loob ng hanay nang may tapang at paninindigan.
Inatasan niya ang bagong PNP Chief na itaguyod ang disiplina, pananagutan at serbisyo publiko sa lahat ng mga hakbang na gagawin ng organisasyon gaya ng mabilis na pagtugon sa mga krimen pati na rin ang pagpapanagot sa mga opisyal na lumalabag sa batas.
Nanawagan din ang pangulo na ipagpatuloy ang mahigpit na koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) laban sa iligal na droga, tugisin ang lahat ng lumalabag mula sa bigtime drug lords hanggang sa street-level peddlers, at dalhin ang hustisya sa legal at etikal na paraan.