Patuloy na nagbibigay ng tulong ang mga kapulisan ng Bacolod City Police Office (BCPO) sa mga residenteng naapektuhan ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng hanging Habagat na tumama sa lugar nito lamang ika-15 ng Setyembre 2024.
Umaga ng linggo, agad na idineploy ang 53 na pulis upang magsagawa ng iba’t ibang operasyon para sa kaligtasan at kapakanan ng mga residente, 12 sa kanila ang naitalaga sa mga evacuation centers upang tumulong sa mga evacuees, habang 41 na pulis naman ay abala sa pagsasagawa ng search and rescue, at monitoring operations sa mga lugar na labis na naapektuhan ng pagbaha.
Batay sa datos na inilabas ng BCPO, umabot na sa 1,007 na indibidwal o 311 na pamilya ang direktang naapektuhan ng kalamidad sa lungsod.
Patuloy ang kanilang pagresponde upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente, lalo na sa mga lugar na mataas ang tubig at kinakailangan ng agarang paglikas.
Sa kabila ng hamon ng kalamidad, nananatiling aktibo at handa ang mga pulis ng Bacolod City sa pagtulong sa komunidad.
Ang kanilang patuloy na presensya at aksyon ay nagbibigay ng kasiguruhan na sila ay nariyan upang tugunan ang pangangailangan ng mga residente, higit lalo sa panahon ng sakuna.
Bilang tugon sa pangangailangan ng publiko, tiniyak ng BCPO na ang kanilang operasyon ay magpapatuloy hangga’t kinakailangan upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kapakanan ng mga Bacolodnon.
Source: K5 News FM Negros Occidental
Panulat ni Pat Ledilyn T Bansagon