Sugatan ang isang babaeng pulis mula sa Special Action Force habang ito ay nagpapatupad ng seguridad kasama ang iba pang mga miyembro ng hanay ng Pambansang Pulisya sa kasagsagan ng paghahain ng Warrant of Arrest kay former President Rodrigo Roa Duterte sa Villamor Air Base sa Pasay City nito lamang Martes, Marso 11, 2025.
Bahagi ang nasabing policewoman sa mga operatibang naatasang panatilihin ang kaligtasan ng lahat kabilang na sina PRRD at mga kasamahan nito habang ihahain ang Warrant of Arrest kay PRRD.

Ayon kay Police Brigadier General Jean Fajardo, PNP Spokesperson, nasa maayos na kalagayan na ang naturang pulis at kasalukuyang nagpapagaling.
Dagdag pa rito na hindi na aniya magsasampa ng anumang complaint ang nasabing pulis sapagkat parte umano ang nangyari sa trabaho bilang kasapi ng PNP.
Samantala, inaasahan namang gagawaran ang sugatang pulis ng medalya bilang pagpupugay sa kanyang dedikasyon bilang alagad ng batas.
Sa kabila ng mga hamon sa pagpapapatupad ng batas, siniguro naman ng PNP na mananatili ang maximum tolerance ng buong hanay upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa buong bansa nang may paggalang sa karapatan ng bawat mamamayan. Patuloy nitong gagampanan ang kanilang tungkulin nang may disiplina, propesyonalismo at malasakit sa bayan.