Bilang bahagi ng mga hakbangin upang mapaigting ang pagtutulungan sa pagitan ng Pilipinas at Australia sa larangan ng pagpapatupad ng batas at agham pagsisiyasat, nagtungo ang Australia ambassador at ilang mga bihasa sa medisinang pamporensika sa pambansang punong himpilan ng pulisya nitong Agosto 22, 2024.
Sa pangunguna ni Police General Rommel Francisco Marbil, mainit na tinanggap ng kapulisan sa kampo Crame sina Ambassador Hae Kyong Yu, Detective Superintendent Brad Marden ng Australian Federal Police, Justice John Champion ng Supreme Court ng Victoria, Ginoong Jack Williams ng Australian Embassy, at Prof. Richard Bassed at Prof. Stephen Cordner na mga propesor sa Unibersidad ng Monash.
Sa pagpupulong na ginanap sa tanggapan ng Pangat ng Porensika (Forensic Group), tinalakay ni Ambassador Yu ang kasalukuyang pinaplano ng pamahalaan ng Pilipinas at Australia na mga hakbangin sa pagpapalawig ng kakayanan ng bansa sa larangan ng pagsisiyasat.
Isa sa mga malalaking hakbang na nabuksan ay ang isasagawang “joint program” ng Australia at Unibersidad ng Pilipinas kung saan maaaring makilahok ang mga doktor ng kapulisan na magbibigay daan sa mas malalalim na pag aaral hinggil sa medisinang pamporensika.
Binanggit din ni Yu ang isinasagawang usapan sa pagitan ng dalawang bansa hinggil pagtatatag ng isang Forensic Institute sa ilalim ng Office of the President na aniya, ay magbubukas sa kapulisan ng mas malaking “pool of doctors” na bihasa sa medisinang pamporensiko.
Siniguro naman ng kinatawan ng Australia na ang pinaplanong institusyon ay hindi maglilikha ng kompetisyon at pagsaklaw sa trabahong ginagawa ng kapulisan.
Samantala, inilahad naman nina PBGen. Constancio T. Chinayog, Jr. (Director, Forensic Group) at PBGen. Jerico O. Baldeo (Chief, Human Rights Affairs Office) ang pagsuporta ng PNP sa nabanggit na adhikain.
Anila, suportado ng PNP ang mga programa ng Australia na may layuning mapalalawig ang kakayanan ng kapulisan at mas mapagtibay ang tiwala at bilib ng mga mamamayan sa umiiral na sistema ng pagpapatupad ng batas sa ilalim ng bagong Pilipinas.