Zamboanga City – Boluntaryong sumuko ang isang miyembro ng Abu-Sayyaf Group (ASG) sa mga tauhan ng Zamboanga City PNP sa RT Lim Blvd. Brgy. Cawa-cawa, Zamboanga City nito lamang Hunyo 20, 2023.
Ang naturang pagsuko ay naging posible sa pangunguna ni Police Colonel Alexander Lorenzo, City Director ng Zamboanga City Police Office at kinilala ang sumuko na si alyas “Han”, 39, may-asawa, residente ng Brgy. Muti, Zamboanga City na tinaguriang nasa likod ng pangingikil sa mga liblib na lugar ng Zamboanga City at Basilan Province na tinatarget ang mga malalaking tindahan at establisyimento.
Kasabay ng pagsuko ni alyas “Han” ay ang pagturn-over ng isang isang Colt MK IV caliber .45 with serial number 392685 na may isang magazine at pitong live ammunitions.
Naging matagumpay ang pagsuko ng naturang ASG member dahil sa pagsusumikap ng 2nd Zamboanga City Mobile Force Company, City Intelligence Unit, Zamboanga City Police Station 8, National Intelligence Coordinating Agency IX at Joint Task Force Zamboanga na patuloy sa pagbabantay ng kaayusan, katahimikan tungo sa pagkamit ng kaunlaran sa kanilang nasasakupan.
Panulat ni PSSg Grace Neville L Ortiz