Malaki ang naging papel ng Canadian national na inaresto dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa pagdadala ng 1.4-toneladang shabu (crystal meth) sa Alitagtag, Batangas sa multi-billion peso drug haul, ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. sa katatapos na press briefing nitong Lunes, ika-20 ng Mayo 2024.
Sinabi ito ni SILG Abalos nang iharap niya ang suspek, na kinilalang si Thomas Gordon O’ Quinn, na tinatawag ding James Toby Martin, sa harap ng mga miyembro ng media noong Lunes.

Naaresto si O’Quinn sa bisa ng isang mission order na inisyu ng Bureau of Immigration and Deportation kaugnay ng Interpol Red Notice na may file number 2018/29998, sa isang spa sa Tagaytay City, Cavite, noong Mayo 16, 2024.
“So far ang masasabi ko lang malaki ang parte ng [mga] tao na ito; nahuli siya, meron siyang red notice, at nakasuhan sa ibang bagay na nakita pa sa kanya during the serving of the warrant,” ani DILG Secretary.
Samantala, ang pulisya ay patuloy pa rin sa paghahanap ng mga ebidensya para sa ikaaaresto ng iba pang miyembro na nasa likod ng Alitagtag shabu haul.