Arestado sa buy-bust operation ng City Police Drug Enforcement Unit o CPDEU ang apat na indibidwal sa BM Road, Barangay San Pedro, Puerto Princesa City nito lamang ika-30 ng Abril 2025.
Kinilala ang apat na suspek na sina alyas Asis, nasangkot din noon sa kalakalan ng iligal na droga; alyas Tony, 20-anyos, isang estudyante; alyas Allan, truck driver; at alyas Micheal, fish vendor.
Naaresto ang mga suspek matapos na mabilhan ang isa sa kanilang kasama na si Asis ng isang sachet ng pinaghihinalaang shabu. Narekober din ang isang cellphone, mga foil, buy-bust money at lighter.
Samantala, umamin ang tatlong suspek na gumagamit ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot maliban kay Tony na nadamay lamang umano sa nangyaring insidente.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay patunay lamang na ang kapulisan ay patuloy sa pagpapalakas ng kanilang kampanya kontra ilegal na droga para sa isang ligtas at mapayapang komunidad.
Source: Bandera News TV Philippines
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadana