Arestado ang apat na indibidwal matapos maharang ng mga tauhan ng Baguio City PNP sa isang checkpoint operation at madiskubre ang mga hindi lisensyadong baril at iligal na droga sa Barangay Santo Tomas, Baguio City noong Enero 28, 2025.
Ayon kay Police Colonel Ruel D Tagel, City Director ng Baguio City Police Office, agad na nagsagawa ng city-wide checkpoint operations ang iba’t ibang police stations matapos makatanggap ng flash alarm mula sa headquarters hinggil sa isang sasakyang nauugnay sa kasong pagpatay sa Baguio City noong Enero 27, 2025.
Matagumpay na naharang ng mga opisyal ng Baguio City Police Station 10 ang sasakyan ng mga suspek sa kahabaan ng Marcos Highway kung saan nagsagawa ng isang plain-view inspeksyon at agad na napansin ang isang pouch sa gitnang upuan na may baril na kitang-kitang nakausli subalit nabigo ang mga sakay na magpakita ng mga legal na dokumento ng naturang baril kaya agad inaresto.
Kinilala ang mga suspek bilang isang 22-anyos na babaeng estudyante, isang 24-anyos na lalaking estudyante, at dalawang lalaking online seller na may edad 27 at 29.
Sa masusing paghahalughog sa sasakyan, nadiskubre ang isang Cal.45, dalawang magazine ng Cal.45 at mga bala, isang bala ng Cal.22, tatlong sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang sa humigit-kumulang 5.40 gramo at may Standard Drug Price (SDP) ng Php36,720, kasama ang isang sachet ng hinihinalang pinatuyong dahon at buto ng marijuana na nagkakahalaga ng Php414.
Kasong paglabag sa Republic Act No. 10591, ang “Comprehensive Firearms at Ammunition Regulation Act”, kaugnay ng Omnibus Election Code, gayundin ang Republic Act No. 9165, ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy naman ang pagsusumikap ng Pambansang Pulisya sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin laban sa anumang uri ng krimen.