Sibalom, Antique — Nanguna ang mga tauhan ng Antique Police Provincial Office sa isinagawang Community Outreach Program sa Imparayan Elementary School sa bayan ng Sibalom, Antique nitong ika-18 ng Hulyo 2022.
Ang naturang programa ay inisyatibo ng Police Community Affairs and Development Unit ng Antique Police Provincial Office sa pamumuno ni Police Colonel Alexander G Mariano, Provincial Director sa pakikipagtulungan sa 61st Infantry Battalion, 3rd Infantry Division, Philippine Army, at sa Local Government Unit ng Sibalom na naglalayong patuloy na magpaabot ng iba’t ibang uri ng tulong at medical assistance sa mga residente ng nabanggit na barangay.
Tinatayang umabot sa 50 indigent families ang nabahagian ng food packs na may lamang bigas, canned goods, refined sugar at noodles habang nasa 84 mag-aaral naman ng Imparayan Elementary School ang nabigyan ng envelope na naglalaman ng school supplies (notebooks, pad paper, ball pen, pencils at crayons).
Nakiisa din ang mga kasapi ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo na tumulong pa sa feeding program na kung saan namahagi ng masustansyang sopas ang grupo sa mga kabataang mag-aaral.
Samantala nagkaroon din ng talakayan tungkol sa paglaban sa terorismo at sa pag-iwas sa mga posibleng propaganda ng mga kalaban ng pamahalaan na pinangunahan naman ng Philippine Army.
Kabilang din sa nakiisa ang LGU-Sibalom na namahagi din ng mga vitamins, gamot at iba pang medical assistance sa mga dumalong senior citizen.
###