Huli ang anim na kalalakihan na nagsasagawa ng drag race sa kahabaan ng National Highway Barangay Tagburos, Puerto Princesa City bandang alas-12:30 ng madaling araw noong ika-8 Hulyo 2024.
Ang ilegal na aktibidad ay nagdulot ng pagkabulahaw sa mga residente sa lugar. Ayon sa ulat ng pulisya, isang impormante mula sa group chat ang nagbigay ng impormasyon tungkol sa drag race sa bahagi ng Barangay Tagburos at Sta Lourdes. Agad na nagresponde ang pulisya ng San Jose PCP na nagresulta sa pagkakasakote ng anim na mga sangkot sa drag racing.
Matapos ang pag-aresto, tiniketan ang mga nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag tulad ng walang driver’s license, reckless driving, walang safety helmet, walang OR/CR, muffler violation, modified muffler, at expired registration. Ang mga paglabag na ito ay nagpakita ng kawalan ng pagsunod sa mga batas trapiko at kaligtasan.

Dalawa sa mga motorsiklo ang na-impound dahil sa kawalan ng driver’s license ng mga nagmamaneho nito. Ang aksyon na ito ay bahagi ng kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na drag racing at iba pang paglabag sa batas trapiko.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Puerto Princesa City Police Office sa mga concerned citizen na nagpaabot ng impormasyon sa kanilang tanggapan. Ang patuloy na pakikipagtulungan ng komunidad at mga awtoridad ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Source: Thunder News Philippines
Panulat ni Patrolwoman Desiree Padilla