Nagpasalamat ang dating alkalde ng Bamban na si Alice Guo sa Philippine National Police (PNP) sa proteksyon at seguridad na tinamasa habang siya ay nasa kustodiya ng Indonesian Police at mula sa mga pangambang natatanggap o death threats kaugnay sa mga kasong nakahain laban sa kanya.
Inihayag ni Department Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa isang press briefing na ginanap nitong ika-6 ng Setyembre sa Kampo Krame na ang death threats na natatanggap ni Guo ang dahilan ng kanyang pag-alis sa Pilipinas at pagtatago sa Indonesia.
“Sabi ni Alice, natatakot siya sa buhay kaya siya umalis ng bansa. Sabi natin, sabihin mo lahat at poproteksyunan ka ng police…important malaman natin ang totoo,” pahayag ni SILG Abalos.
Kinumpirma naman ni Guo sa press briefing na dinaluhan din ng PNP Chief Police General Rommel Marbil ang dinitalyeng pahayag ng SILG tungkol sa kanyang death threats.
“Kino-confirm ko po ang lahat po ng sinabi ni Secretary na meron po akong death threat po, at humingi po ako ng tulong mula sa kanila. Masaya po ako na nakita ko po sila and I feel safe po. Maraming maraming salamat po,” pagkumpirma ni Alice Guo.
Samantala, matatandaang magkasama sina SILG Abalos at PGen Marbil na pumunta sa Indonesia para sa maayos na koordinasyon at turn-over ni Alice Guo, at masiguro ang seguridad ng dating alkalde sa kabila ng natatanggap na umanoy death threats.
Sa panulat ni Tintin