“Inay, nasaan po si Papa, kailan natin siya mayayakap, kailan natin siya makakasama? Ito ang mga katanungan ng mga anak ni Ginang Elenita Dandan sa kanya. Halos madurog ang kanyang puso sa tuwing maririnig niya ang pag-iyak ng kanyang bunso at pagtawag sa pangalan ng ama na ilang linggo nang nawawala. Maging ang pinggan at baso na nakalagay sa puwesto ng kanyang asawa sa hapag-kainan ay laging pinupunasan ng kanyang bunso sa pag-asang muli nilang makakasalo si PSSg Restie Dandan. Unti-unti nang ginugupo nang kawalang pag-asa si Gng Dandan subalit kailangan niyang maging matatag para sa kaniyang mga anak.
Si PSSg Dandan ay dinukot ng mga teroristang New People’s Army (NPA) noon pang July 31, 2020 sa Purok 1, Brgy. San Isidro, Sison, Surigao Del Norte. Ang pulis ay aktibong kabalikat at nakakasama ng komunidad sa mga makabuluhang gawain upang maging mapayapa at matahimik ang kanilang pamayanan. Isang responsableng ama ng tahanan si PSSg Dandan na laging ang kapakanan ng kanyang mga anak ang iniisip.
Kaugnay nito, mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Sison ang ginawang pagdukot ng NPA kay PSSg Dandan. “We strongly condemn this heinous act of cowardliness and terrorism!”, ang mariing pahayag ni Mayor Karissa Fetalvero-Paronia ng bayan ng Sison. Nagtulung-tulong sa paggawa ng kaukulang hakbang ang mga ahensya ng pamahalaan upang mailigtas sa kapahamakan ang dinukot na pulis. Sama-sama rin ang mga mamamayan sa panawagang makalaya sa kuko nang kalupitan ng mga NPA si PSSg Dandan.
Ganoon pa man, naging bingi ang tenga ng mga NPA sa pakiusap at pagsusumamo ng mamamayan ng Sison at nang pamilya ng pulis. Bandang alas 7:00 ng umaga, August 18, 2020, natagpuang patay na si PSSg Restie Dandan, 42 anyos, sa Sitio Napo, Barangay Matin-ao, sa bayan ng Mainit, Surigao Del Norte. Labis ang panlulumo at paghihinagpis ng mamamayan ng Surigao Del Norte dahil sa malagim na kamatayang sinapit ng kanilang pulis mula sa kamay ng mga berdugong NPA.
Hindi lamang isang pulis ang binawian ng buhay ng mga terorista, pinagkaitan din nila ng magandang buhay at kinabukasan ang tatlong anak at may-bahay ni PSSg Dandan na umaasa lamang sa kanya. Isang kasapi ng komunidad, isang alagad ng batas, isang responsableng ama ang pinaslang ng mga manliligalig. Pinatunayan ng mga NPA ang kanilang kalupitan, karahasan at kawalan nang pagpapahalaga sa buhay ng kapwa!
Maaga mang kinuha ng kamatayan si PSSg Dandan, mananatili siyang buhay sa puso at diwa ng kanyang mahal na pamilya, mga kasamahan at mamamayan na kanyang pinaglingkuran!
#PoliceLivesMatterToo