Cagayan – Naghatid ng tulong sa Agta Community ang 1st Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa ilalim ng Project C.A.S.I o Comprehensive Assistance for young Students and Indigenous people na ginanap sa Chapel ng Barangay Masi, Rizal, Cagayan nito lamang ika-14 ng Oktubre 2023.
Ayon kay Police Major Rexon Casaway, Force Commander ng 1st Cagayan PMFC, umabot sa 250 na mga Agta na residente ng Sitio Zinundungan at Barangay Masi sa munisipalidad ng Rizal, Cagayan ang naging benepisyaryo sa isinagawang aktibidad na naglalayong makapaghatid ng tulong sa mga Indigenous Peoples (IPs) na nakatira sa mga liblib na lugar.
Nagkaroon ng pamamahagi ng mga school supplies, pares ng tsinelas, pre-loved clothes, mga gamot, bitamina at naghatid ng serbisyo tulad ng libreng gupit at feeding program.

Nakatanggap naman ang mag-asawang kamakailan lang ay nagbalik-loob sa pamahalaan ng solar lights, bigas at kaparehong serbisyo na hatid ng grupo.
Samantala, nakapagtanim naman ng 200 fire trees at narra seedlings sa paligid ng Chapel ang mga kapulisan ng 1st Cagayan PMFC, RMFB 2, RPCADU 2 at Rizal PS kasama ang mga Agta at barangay officials.

“Nagpapasalamat po ako sa inyo dahil malaking tulong po itong inihandog po niyo sa amin at lagi niyo po kaming pinoprotektahan, sana madaming beses pa po kayong maghatid ng tulong sa amin at protektahan din po kayo ng Panginoon”, ani Novalyn Batulan, isa sa mga benepisyaryo.
Sa mensahe ni PMaj Casaway, kanyang hinikayat ang mga kababayan nating IPs na suportahan ang mga programa ng PNP upang mapanatili ang katahimikan sa kanilang lugar.
Mas paiigtingin pa ng Pambansang Pulisya ang mga programa at aktibidad laban sa insurhensiya katuwang ang pamayanan para makamit ang tunay na kapayapaan tungo sa maunlad na bansa.
Source: 1st Cagayan PMFC