Php9M halaga ng ilegal na bentahan ng produktong petrolyo at mga kagamitan, nasamsam ng PNP, dalawang suspek, arestado

0
291

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP), sa ilalim ng pamumuno ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., ang kampanya laban sa hindi awtorisadong kalakalan ng produktong petrolyo matapos maaresto ang dalawang suspek at masamsam ang mga produktong petrolyo at kagamitang nagkakahalaga ng tinatayang Php9 milyon sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Lipa City, Batangas, noong Nobyembre 18, 2026.

Isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas Provincial Field Unit ang mga operasyon laban sa dalawang establisimyentong pinaghihinalaang nagbebenta ng produktong petrolyo nang walang kinakailangang permit mula sa Department of Energy (DOE).

Sa Brgy. Sabang, naaresto ang isang 29-anyos na babae at nakumpiska ang 55,424 litro ng premium gasoline, unleaded gasoline, at diesel, kasama ang apat na fuel pump at limang underground storage tank na tinatayang nagkakahalaga ng Php7 milyon.

Sa hiwalay na operasyon sa Brgy. San Sebastian, naaresto naman ang isang 50-anyos na fuel station supervisor at pump attendant, habang nasamsam ang mga produktong petrolyo at kagamitang nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php2 milyon. Ang dalawang operasyon ay may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, hinggil sa hindi awtorisadong pangangalakal at pamamahagi ng mga produktong petrolyo.

“Gusto nating matiyak na patas ang laban para sa mga negosyong sumusunod sa batas at ligtas ang publiko sa mga ilegal na gawain. We will continue to act on verified information and work with the concerned agencies to address these violations (Patuloy kaming kikilos batay sa mga beripikadong impormasyon at makikipagtulungan sa mga kinauukulang ahensiya upang matugunan ang mga naturang paglabag). Hindi lamang ito tungkol sa pagpapatupad ng batas; it is also about protecting consumers and ensuring that businesses operate within the rules (layunin din nitong protektahan ang mga mamimili at tiyaking nagpapatakbo ng negosyo ang mga establisimyento alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon),” pahayag ni PGen Nartatez.

Ipinakikita ng mga operasyong ito ang patuloy na pagsisikap ng PNP na palakasin ang pagpapatupad ng batas at pananagutan sa ilalim ng PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO), habang tinitiyak ang pagsunod sa due process at paggalang sa mga karapatan ng lahat ng sangkot, tungo sa pagpapanatili ng isang ligtas at mapayapang Bagong Pilipinas.

Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/1HJUFTVzSJ/)

Leave a Reply