Php1.24M halaga ng hinihinalang ilegal na droga, nasamsam ng PNP; Korean national, arestado sa Mabalacat, Pampanga

0
299

Nasamsam ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang Php1.24 milyong halaga ng hinihinalang ilegal na droga kasunod ng matagumpay na buy-bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas “Kyoung,” isang 29-anyos na Korean national na kinilalang high-value individual (HVI), sa Brgy. Macapagal, Mabalacat City, Pampanga, noong Nobyembre 18, 2026.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-10:50 ng umaga sa pangunguna ng Police Station 4 ng Angeles City Police Office (ACPO), katuwang ang ACPO City Intelligence Unit, City Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Division–Regional Special Operations Group (RID-RSOG), Regional Drug Enforcement Unit 3 (RDEU3), Mabalacat City Police Station, at Regional Intelligence Unit 3 (RIU3).

Nasamsam mula sa suspek ang 180 tableta ng hinihinalang ecstasy na nagkakahalaga ng Php306,000, 159 pods ng hinihinalang liquid ketamine na nagkakahalaga ng Php636,000, at humigit-kumulang 100 gramo ng hinihinalang ketamine powder na nagkakahalaga ng Php300,000.

Ayon sa ulat, unang itinakda ang transaksiyon sa Brgy. Anunas, Angeles City, subalit binago ng suspek ang tagpuan at inilipat ito sa Mabalacat City. Agad namang iniakma ng mga operatiba ang kanilang deployment upang maisakatuparan ang operasyon at maaresto ang suspek.

Pinuri ni PRO3 Director PBGen Jess B. Mendez ang mga operatiba sa kanilang mahusay na koordinasyon at muling iginiit ang patuloy na pagpapalakas ng kampanya laban sa ilegal na droga, anuman ang nasyonalidad ng mga sangkot. “This operation shows that our campaign against illegal drugs remains relentless. We will continue to strengthen intelligence gathering and coordination among our police units to identify and arrest those involved in illegal drug activities, regardless of their nationality. Our priority is to keep illegal drugs off our streets and protect the people of Central Luzon (Ipinakikita ng operasyong ito na nananatiling walang humpay ang ating kampanya laban sa ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang pangangalap ng impormasyon at koordinasyon sa pagitan ng ating mga yunit ng pulisya upang matukoy at maaresto ang mga sangkot sa ilegal na gawain sa droga, anuman ang kanilang nasyonalidad. Pangunahing prayoridad natin na masawata ang pagkalat ng ilegal na droga sa ating mga lansangan at mapangalagaan ang kaligtasan ng mamamayan sa buong Gitnang Luzon), aniya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Bahagi ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na kampanya ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO3 (https://www.facebook.com/share/p/1Z8jaXbpuC/)

Leave a Reply