Binigyang-diin ni Chief, Philippine National Police (PNP) Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang kahalagahan ng disiplina, propesyonalismo, at maayos na pagganap ng tungkulin ng bawat pulis sa pagpapanatili ng seguridad ng bansa sa idinaraos na 49th ASEAN Summit and Related Summits sa Pilipinas. Ayon sa kanya, hindi lamang ang kaligtasan ng mga delegado at bisita ang pangunahing layunin ng seguridad kundi maging ang pagpapanatili ng tiwala ng publiko at pagpapakita ng kakayahan ng mga pulis na Pilipino sa pandaigdigang aktibidad.
Kaugnay nito, nasa 20,000 tauhan ng PNP ang ipinakalat, katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan, na may kabuuang 23,154 security personnel na nakatalaga sa iba’t ibang lugar na may kaugnayan sa summit, kabilang ang mga pagdarausan ng aktibidad, hotel, billeting areas, motorcade routes, at iba pang mahahalagang lokasyon. Naka-Full Alert Status naman mula Nobyembre 13 hanggang 19, 2026, ang National Capital Region Police Office (NCRPO), Police Regional Office 3, Police Regional Office 4A, at lahat ng yunit na nakabase sa Camp Crame upang matiyak ang kahandaan sa anumang posibleng banta sa seguridad.
Inatasan din ng Chief PNP ang mga commander na paigtingin ang pangangasiwa sa kanilang mga tauhan, palakasin ang pagbabahagi ng impormasyon, at tiyakin ang maayos na koordinasyon ng lahat ng security forces upang maagapan at agarang matugunan ang anumang insidente. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng paggalang sa karapatan ng publiko, partikular sa mga nagsasagawa ng mapayapang pagtitipon at demonstrasyon. Bilang bahagi nito, pinaaalalahanan ang mga pulis na panatilihin ang maximum tolerance, pagpipigil sa sarili, at pagsunod sa umiiral na batas at mga alituntunin ng pulisya.
Hinimok din ni PGen. Nartatez ang lahat ng nakatalagang tauhan na manatiling magalang, maasikaso, at handang tumulong sa mga residente, motorista, commuters, bisita, at dayuhang delegado. Aniya, dapat magkasabay na maisakatuparan ang pagpapanatili ng seguridad at pagbibigay ng maayos na serbisyo sa publiko, nang hindi nagdudulot ng hindi kinakailangang abala sa pang-araw-araw na gawain ng mamamayan.
Tiniyak naman ng PNP na mananatiling mataas ang antas ng kahandaan ng lahat ng unit hanggang sa matapos ang mga aktibidad kaugnay ng ASEAN Summit sa Nobyembre 18, 2026. Ang patuloy na operasyong panseguridad ay bahagi ng pagsuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa ligtas at matagumpay na pagdaraos ng nasabing pagtitipon, alinsunod sa PNP Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations (EMPO), tungo sa isang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO https://www.facebook.com/share/p/1DcbKJNqvq/

