12 Wanted Persons, arestado sa manhunt operations ng PRO6 sa Western Visayas

0
60
Screenshot

Arestado ang 12 wanted persons sa magkakahiwalay na intelligence-driven manhunt operations ng Police Regional Office 6 (PRO6) sa buong Western Visayas sa loob ng 24 oras, mula alas 6:00 ng umaga ng Nobyembre 12 hanggang 5:50 ng umaga ng Nobyembre 13, 2026.

Batay sa Regional Operational Accomplishment Dashboard ng PRO6, kabilang sa mga naaresto ang tatlong Top Ten Most Wanted Persons (MWP) at siyam na iba pang wanted persons.

Kabilang dito si alyas “Roming,” 42 anyos at Rank 8 Provincial Most Wanted Person ng Antique, na naaresto sa San Remigio noong Nobyembre 12 dahil sa kasong rape.

Sa Iloilo, naaresto naman si alyas “Nonoy,” 41 anyos at Rank 9 Municipal Most Wanted Person ng Lambunao, dahil sa kasong frustrated murder. Isinilbi naman ng Cabatuan Municipal Police Station (MPS) ang warrant of arrest laban kay alyas “Tantan,” 20 anyos  na Rank 2 Municipal Most Wanted Person, kaugnay naman ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, inilagay sa kustodiya ng Batad MPS si alyas “Jan,” Rank 2 Municipal Most Wanted Person ng Batad, sa bisa ng kautusan ng hukuman kaugnay ng kasong multiple attempted murder.

Sa kabuuang operasyon, nanguna ang Iloilo Police Provincial Office (PPO) na may anim na naaresto at isang pinagsilbihan ng warrant of arrest, sinundan ng Aklan PPO na may tatlong naaresto. Tig-isang wanted person naman ang naaresto ng Antique PPO, Capiz PPO, at Iloilo City Police Office (ICPO).

Ayon kay PBGen Randulf T Tuaño, Regional Director ng PRO6, patuloy na paiigtingin ang manhunt operations upang matiyak na ang mga wanted person ay maiharap sa hukuman.

“Patuloy nating paiigtingin ang pagtugis sa mga wanted person upang maiharap sila sa hukuman. Bawat matagumpay na operasyon ay mahalagang hakbang tungo sa pagkamit ng hustisya at pagpapanatili ng kaligtasan ng ating mga komunidad. Hinihikayat din natin ang publiko na makipagtulungan at magbigay ng impormasyong makatutulong sa ating mga operasyon,” ani PBGen Tuaño.

Tiniyak ng PRO6 ang patuloy na pagsasagawa ng intelligence-driven at koordinadong manhunt operations, katuwang ang mga mamamayan, bilang bahagi ng pagsusulong ng Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: https://www.facebook.com/share/p/1AEkMMw3Ji/?mibextid=wwXIfr

Leave a Reply