Lasang, Davao City – Tinatayang Php128,000 na halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang lalaki sa isinagawang checkpoint ng PNP sa Licanan Lasang, Davao City, nito lamang Mayo 5, 2022.
Kinilala ni PMaj Milan Naz, Station Commander ng Bunawan PS ang suspek na si Johnrey Orang Dela Cruz, 41, residente ng Villa Felipa, Magsaysay, Misamis Oriental.
Ayon kay PMaj Naz, naaresto si Dela Cruz ng pinagsanib puwersa ng PNP-Task Force kasama ang composite team ng Bunawan Police Station 6.
Ayon pa kay PMaj Naz, natimbog si Dela Cruz sa isinagawang checkpoint ng PNP-TF partikular na sa private vehicle inspection lane kung saan nakuha mula sa suspek ang isang improvised totter at dalawang pakete ng hinihinalang shabu na may bigat na walong gramo at may Dangerous Drug Board value na Php128,000.
Ang tagumpay na ito ay patunay lamang na mahigpit at epektibo ang isinagawang COMELEC checkpoint ng mga tauhan ng Police Regional Office 11 sa pamumuno ni PBGen Benjamin Silo Jr, Regional Director katuwang ang ibang ahensya ng pamahalaan para sa kaligtasan at kapakanan ng karamihan.
Panulat ni PCpl Mary Metche A Moraera