Infanta PNP, patuloy na pinaiigting ang pagpapatupad ng kaayusan at seguridad sa “Undas 2026”

0
84

Patuloy na pinaiigting ng mga miyembro ng Infanta Municipal Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Police Major Harold C Panganiban, Chief of Police, ang pagpapatupad ng kaayusan at seguridad sa kabila ng maraming taong bumisita sa puntod ng kanilang mahal sa buhay sa Infanta Public Cemetery sa Brgy. Miswa, Infanta, Quezon Province nito lamang Nobyembre 1, 2026.

​Layunin ng nasabing aktibidad na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng publiko, lalo na ang mga pamilyang bumibisita sa sementeryo para sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa.

Samantala, kasama ni PMaj Panganiban si Hon. Lord Arnel Ruanto, Mayor ng Infanta, sa pagsiguro ng kaayusan at pagbibigay ng serbisyo publiko sa lahat ng mga mamamayan ng Infanta, kaya nanatiling payapa ang pagdiriwang dahil tulong-tulong ang lokal na pamahalaan at kapulisan sa adhikain ng isang payapa at tahimik na paggunita sa Undas.

Naglagay din ng Police Assistance Desk (PADs) upang mas mabilis na magbigay ng tulong, nagbigay ng paalala sa mga bagay na hindi dapat dalhin tulad ng mga inuming nakalalasing, baril, kutsilyo at iba pang matutulis o matatalim na bagay, mga madaling mag-apoy na materyales tulad ng paint thinner at iba pang mapanganib na kemikal kabilang ang mga ginagamit sa pagluluto, iligal na droga, at mga kagamitan sa sugal tulad ng baraha. Ang mga malalakas na sound system, musical instruments, at mga alagang hayop ay maaari ring ipagbawal, depende sa mga patakaran ng sementeryo.

Hinimok naman ni PMaj Panganiban, ang publiko na planuhin ang kanilang pagbisita, magdala lamang ng mga importanteng gamit, itapon ang basura sa tamang lagayan, bantayang mabuti ang mga bata, at agad na ipagbigay-alam ang mga kaduda-dudang kilos o emergency sa pinakamalapit na Police Assistance Desk o sa mga tauhan ng Infanta PNP upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman”.

Source: https://www.facebook.com/share/p/1H37GhXbbL/

Panulat ni: PMSg Grace Ortiz

Leave a Reply