Itataas sa Full Alert Status ang National Capital Region Police Office (NCRPO) simula 12:01 ng madaling-araw ng Oktubre 30, kasabay ng pagtalaga ng 13,084 pulis sa Metro Manila para matiyak ang ligtas, maayos, at mapayapang paggunita sa “Undas 2026.” Layunin ng hakbang na mapanatili ang kaayusan at maprotektahan ang publiko sa inaasahang pagdagsa ng mga dadalaw sa mga sementeryo, memorial park, transport terminal, at iba pang matataong lugar.
Bilang bahagi ng pinaigting na seguridad, magpapatupad ang NCRPO ng mas malawak na police visibility at patrol operations sa mga sementeryo, columbarium, at memorial park upang maiwasan ang krimen at mapanatili ang kaayusan. Isasagawa rin ang masusing inspeksiyon, intelligence-driven monitoring, at tulong ng mga asong sinanay sa pagtukoy ng mga kahina-hinalang bagay sa mga pangunahing bus terminal, pantalan, at paliparan.
Pinalalakas din ng NCRPO ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga tanggapan ng disaster risk reduction and management upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa anumang insidente. Alinsunod sa direktiba ni PNP Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., maglalagay rin ng mga police assistance desk at checkpoint sa mga estratehikong lugar upang madaling makahingi ng tulong ang publiko.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge PBGen Christopher N. Abrahano, nakatuon ang deployment sa pagtiyak na ligtas at payapa ang paggunita ng bawat pamilyang bibisita sa kani-kanilang mga yumaong mahal sa buhay. “Our deployment is built for one purpose: that every family may honor their departed in peace and safety. NCRPO remains vigilant, visible, and ready to serve throughout the observance” (Isa lamang ang layunin ng aming deployment: matiyak na maaalala at mabibigyang-pugay ng bawat pamilya ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay nang ligtas at mapayapa. Mananatiling alerto, nakikita sa mga lansangan, at handang maglingkod ang NCRPO sa buong panahon ng paggunita sa Undas), aniya.
Samantala, pinapayuhan ang publiko na planuhin nang maaga ang biyahe, ingatan ang mga personal na gamit, at manatiling mapagmatyag sa mga matataong lugar. Ipinapaalala rin ang pagbabawal sa pagdadala ng matutulis na bagay, baril, nasusunog na materyales, at malalakas na sound system sa mga sementeryo at terminal. Anumang kahina-hinalang kilos o emergency ay maaaring iulat sa pinakamalapit na police assistance desk o sa Unified 911 Hotline, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/1FuTGvm8qM/)

