Lumahok si Philippine National Police (PNP) Chief PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla, sa 8th Korea Police World Expo (KPEX 2026) sa Incheon, South Korea, mula Oktubre 21 hanggang 24, 2026. Layunin ng pagbisita na palakasin ang ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng kapulisan ng Pilipinas at ng Republic of Korea.
Nagsilbing pagkakataon ang pagdalo upang talakayin ang mga posibleng pagtutulungan sa modernisasyon ng kapulisan, paggamit ng makabagong teknolohiya sa pagpapatupad ng batas, at pagtugon sa mga transnasyonal na krimen. Isinagawa ang mga pakikipag-ugnayan kasama ang Korean National Police Agency at iba pang mga katuwang.
Sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng kaalaman at karanasan sa mga international law enforcement partners, layunin ng PNP na higit pang mapahusay ang kakayahan sa operasyon at mapalakas ang kahandaan sa pagtugon sa nagbabagong hamon sa kaligtasan at seguridad ng publiko.
Patuloy na pinagtitibay ng PNP ang internasyonal na pakikipagtulungan upang mapahusay ang serbisyo sa mamamayan, mapalakas ang kakayahan sa paglaban sa krimen, at mapangalagaan ang kapayapaan at kaayusan, alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO (https://www.facebook.com/share/p/19d1bwiGM2/)

