Matagumpay na naaresto ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ng Police Regional Office 5 (PRO5) ang isang Rank 8 Provincial Most Wanted Person ng Masbate Police Provincial Office (PPO) sa isinagawang manhunt operation dakong 6:45 ng gabi noong Oktubre 23, 2026, sa bayan ng Sta. Elena, Camarines Norte. Kinilala ang naaresto sa alyas na “Sam,” 44 anyos, walang asawa, isang street vendor, at residente ng nasabing bayan.
Pinangunahan ng 503rd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 5, sa pamumuno ni PLt Rolando C. Gatan Jr. at sa ilalim ng superbisyon ni PMaj Joseph P. Morada, Company Commander, ang operasyon. Katuwang ang San Fernando Municipal Police Station, Masbate PPO, Police Intelligence Unit (PIU) Masbate, at Sta. Elena Municipal Police Station sa ilalim ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO).
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas noong Hulyo 7, 2025, ng Regional Trial Court (RTC) sa San Jacinto, Masbate, kaugnay ng kasong frustrated murder in relation to Republic Act No. 7610, na may inirekomendang piyansang Php200,000. Ipinaalam sa akusado ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa wikang kanyang nauunawaan. Sumailalim din siya sa medical examination sa Sta. Elena District Hospital at kasalukuyang nasa kustodiya ng Sta. Elena MPS habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso. Nakatakda rin siyang dalhin sa San Fernando MPS para sa kustodiya at pagsasauli ng warrant sa hukuman na naglabas nito.
Ipinapakita ng operasyon ang kahalagahan ng koordinasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang yunit ng kapulisan sa pagtugis sa mga wanted person at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ng Camarines Norte PPO ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at magbahagi ng mapagkakatiwalaang impormasyong makatutulong sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa bawat komunidad.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1CKMnxgfPS/
Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

