NCRPO naglabas ng mga paalala at safety tips para sa Ligtas at mapayapang “UNDAS 2026”

0
21

Nagpalabas ng ilang paalala ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa ilalim ng liderato ni PBGen Christopher N Abrahano, Officer-In-Charge, hinggil sa mga paalala sa papalapit na pagdiriwang ng Undas 2026 sa darating na Nobyembre 1 at 2, 2026.

​Ayon sa NCRPO, mahalagang makiisa ang bawat isa para sa isang maayos, ligtas, at mapayapang pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay. Narito ang walong pangunahing paalala mula sa kapulisan.

​Una, magdala lamang ng mga kinakailangang gamit at iwasan ang pagsuot ng mamahaling alahas upang hindi makatawag ng pansin ng mga masasamang loob.

​Ikalawa, bantayan nang mabuti ang mga bata at mga nakatatanda, lalo na sa mga matataong lugar.

​Ikatlo, siguraduhing nakakandado nang maayos ang lahat ng pintuan at bintana bago umalis ng bahay.

​Ika-apat, huwag iwanang walang bantay ang bag, cellphone, at iba pang mahahalagang personal na gamit.

​Ika-lima, maging mapagmatyag, alerto at mag-ingat laban sa mga mandurukot, at iba pang mapagsamantala.

​Ika-anim, iwasan ang pagtutulakan at panatilihin ang kaayusan sa sementeryo at sa mga bus terminal.

​Ika-pito, iparada ang inyong mga sasakyan sa mga tamang parking area o sa mga ligtas at maayos na lugar para hindi makasagabal sa daloy ng trapiko.

​Ika-walo, tumawag sa emergency hotline, sa oras ng anumang sakuna, krimen, o emergency, tumawag agad sa hotline na 911 o lumapit sa pinakamalapit na pulis o Police Assistance Desk.

​Patuloy na isinusulong ng PNP ang adbokasiya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” upang maiparamdam ang sapat na seguridad at proteksyon sa buong sambayanan. Kaisa ng publiko ang NCRPO sa pagpapanatili ng kaayusan at pagbibigay ng seguridad upang maging makabuluhan ang paggunita sa ating mga yumaong mahal sa buhay.

Leave a Reply