Southern Police District – Tinatayang Php652,800 halaga ng shabu ang nakumpiska sa isinagawang anti-illegal drugs operations ng mga operatiba ng Taguig at Parañaque City PNP nito lamang Miyerkules, Mayo 4, 2022.
Ayon kay Police Brigadier General Jimili Macaraeg, District Director ng Southern Police District, bandang alas-10:20 ng gabi naaresto ang dalawang suspek sa harap ng Tenement Building Brgy. Nagsagawa, Taguig City ng mga operatiba ng Taguig City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU).
Kinilala ni PBGen Macaraeg ang mga suspek na sina Marlon Piñon y Pajarillo alyas “Marlon”, 45, at John Paul Villavicencio y Vergara, 29.
Narekober sa kanila ang isang medium size heat-sealed at pitong small heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang 65.3 gramo ang bigat na may Standard Drug Price na Php444,040, brown coin purse at Php2,000 na ginamit bilang buy-bust money.
Ayon pa kay PBGen Macaraeg, sa ganap naman nang 11:30 ng gabi, timbog ang apat na suspek na sina Nor Fajad Mulod Utto (HVI/pusher), 21, construction worker; Edmund Agduma Ugay (SLI/ pusher), 32, driver; Jerome Villaneda Callo (SLI/pusher), 45, driver; at Anthony Sale Deto (SLI-pusher), 37, vendor, na pawang mga residente ng Parañaque City kung saan nahuli sila sa Silverio Compound Brgy. San Isidro, Parañaque City ng DDEU-SPD, DID, DMFB-SPD at Sub-Station 4 ng Parañaque CPS.
Nasamsam sa kanila ang labing-isang heat-sealed transparent plastic sachet na hinihinala ring shabu na tumitimbang ng nasa 30.7 gramo at nagkakahalaga ng Php208,760, Php500 buy-bust money, isang kalibre .45 na baril, isang magazine na puno ng pitong live ammunition, pulang sling bag at itim na pitaka.
“Binabati ko ang ating mga pulis sa kanilang matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakumpiska ng mahigit kalahating milyong halaga ng shabu at pagkahuli ng mga nagbebenta nito. Hindi po kami titigil bagkus ay aming tutukuyin ang lawak ng kanilang transaksyon upang mapigilan natin ang kanilang pambibiktima, at maprotektahan ang ating mga kabataan” ani PBGen Macaraeg.
Source: SPD PIO
###
Panulat ni PSSg Remelin Gargantos