Sa kabila ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat, matagumpay na isinagawa ng PNP Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1), 103rd Maneuver Company, sa pangunguna ni PMaj Johnny G. Fata-ek, Company Commander, ang bloodletting activity sa Covered Court ng Barangay Sevilla, Sta. Cruz, Ilocos Sur noong Agosto 24, 2026, katuwang ang Ilocos Sur Medical Center, mga stakeholders, at mga miyembro ng komunidad.
Hindi naging hadlang ang masamang panahon upang maisakatuparan ang makabuluhang gawaing naglalayong makatulong sa mga nangangailangan ng dugo. Patunay rito ang pagdalo ng mga donor na nagmula pa sa malalayong lugar, kabilang ang Team Victory Riders sa pangunguna ni Ms. Jeannette Serrada at Samahang Ilocano–Tagudin Chapter, na naglaan ng kanilang oras, pagsisikap, at sakripisyo upang makibahagi sa humanitarian activity.
Pinangunahan ng 103rd Maneuver Company ang pagdo-donate ng dugo, habang nagpaabot naman ng suporta ang Barangay Sevilla sa pamamagitan ng pagpapagamit ng kanilang covered court bilang venue ng aktibidad. Sa bawat patak ng dugong naibahagi, naipapakita ang diwa ng bayanihan at malasakit na maaaring maging pag-asa at panibagong pagkakataon para sa buhay ng kapwa.
Ipinakita ng bloodletting activity ang dedikasyon ng RMFB1, 103rd Maneuver Company sa serbisyong higit pa sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan, bilang pagsasabuhay sa adhikain ng PNP na ‘Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP 103rd Maneuver Company, RMFB1 (https://www.facebook.com/share/p/1ECy7ToAG6/)



