Dalawang (2) suspek ang nasawi at dalawa (2) rin ang arestado matapos ang drug buy-bust operation ng awtoridad sa Tawi-Tawi at Pasay City.
Batay sa report, nasawi sina Nadzmil Ladja, residente ng Sitangkai, Tawi-Tawi; at Malaysian national Hari Man Bin Sabtula, mula sa Sabah, Malaysia.
Napatay ang mga suspek matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng PNP at AFP sa Barangay Pahut, Bongao, Tawi-Tawi noong Oktubre 16.
Narekober mula sa dalawa ang higit-kumulang 1,500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng Php10,200,000 batay sa Standard Drug Price (SDP); 16 bugkos ng boodle money; limang (5) gramo ng marijuana na may SDP na Php600; dalawang (2) ID; dalawang (2) .45 pistol Armscor; at yellow motorized boat.
Samantala, sa isa pang operasyon na ikinasa ng PNP-Drug Enforcement Group, naaresto sina Emmanuel Bartolome aka “Jonjon”, 42 anyos; at Eliza Aurelio aka “Dang”, 35 anyos, pawang residente ng Barangay Baclaran, Parañaque City.
Nakumpiska sa mga suspek ang 300 gramo ng shabu na may SDP na Php2,040,000; assorted identification cards; at dalawang (2) cellphone.
Patuloy ang masigasig na operasyon ng pulisya para sa pagpapaigting ng kampanya nito kontra iligal na droga sa bansa.
#####
Article by Police Corporal Josephine T Blanche