Nasamsam ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang tinatayang Php3,132,040 halaga ng ilegal na droga at dalawang drug personality ang naaresto sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Kalinga, Benguet, at Baguio City noong Agosto 18, 2026.
Ayon kay Police Brigadier General Ericson D. Dilag, PRO CAR Regional Director, nakadiskubre ang mga operatiba ng 15,000 fully grown marijuana plants (FGMJP) na may Standard Drug Price (SDP) na Php3 milyon sa Brgy. Ngibat, Tinglayan, Kalinga. Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Tinglayan Municipal Police Station (MPS), 2nd Kalinga Provincial Mobile Force Company (PMFC), Provincial Drug Enforcement Unit, Rizal MPS, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.
Dagdag pa rito, dalawang marijuana plantation na may 250 FGMJP at 2,000 seedlings, na nagkakahalaga ng Php130,000, ang nadiskubre sa Sitio Tabao, Brgy. Poblacion, Kibungan, Benguet ng mga operatiba mula sa Kibungan MPS, 1st at 2nd Benguet PMFC, Benguet PPO units, Regional Mobile Force Battalion 15, at PDEA-CAR. Agad na binunot at sinunog ang lahat ng nakumpiskang tanim, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang sangkot sa pagtatanim ng marijuana.
Samantala, dalawang drug personalities ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations sa Baguio City. Sa Sitio Atab, Brgy. Sto. Tomas Proper, nakumpiska mula sa isang lalaki ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may bigat na 0.30 gramo at SDP na Php2,040, habang sa Brgy. Irisan ay isa pang sachet ng hinihinalang shabu na may parehong bigat at halaga ang nakumpiska mula sa ikalawang drug suspek.
Ang mga drug personality at nakumpiskang ebidensiya ay dinala sa kustodiya ng Baguio City Police Office para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa PRO CAR, ang mga operasyon ay bahagi ng patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga, katuwang ang iba’t ibang ahensya at komunidad, alinsunod sa mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”
Source: PNP Police Regional Office CAR



