Php544K halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam sa buy-bust operation sa Aparri, Cagayan; Suspek, arestado

0
183

Arestado ang isang babae matapos mahulihan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit Php500K sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Punta, Aparri, Cagayan noong Agosto 17, 2026.

Kinilala ang naarestong suspek bilang si alyas “Ana,” 49 taong gulang, may asawa, physical therapist, at residente ng Barangay Bulala, Camalaniugan, Cagayan.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency–Regional Special Enforcement Team (PDEA-RSET) bilang lead unit, katuwang ang mga tauhan ng Aparri Police Station.

Narekober mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na 80 gramo at Standard Drug Price na Php544,000, gayundin ang isang android cellular phone.

Ang mga nakumpiskang ebidensya ay minarkahan at inimbentaryo sa lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at mga kinakailangang saksi. Dinala ang suspek at mga ebidensya sa Aparri Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon, at nahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy na pinaiigting ng PRO2, katuwang ang PDEA at iba pang law enforcement agencies, ang kampanya laban sa ilegal na droga upang mapigilan ang pagkalat nito at mapanagot ang mga sangkot sa naturang gawain. Hinihikayat din ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon hinggil sa ilegal na droga at iba pang kriminal na aktibidad, alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source:PNP Police Regional Office 2

Leave a Reply