Labindalawang indibidwal ang naaresto ng mga tauhan ng Benito Soliven Municipal Police Station matapos umanong mahuling aktwal na nagsasagawa ng illegal gambling operation sa magkahiwalay na mesa sa Purok Raked, Barangay Yeban Norte, Benito Soliven, Isabela, dakong alas-4:00 ng hapon noong Agosto 16, 2026.
Sa unang mesa, naaresto sina alyas “Allan,” “Hazel,” “Rosa,” at “Dory” matapos umanong mahuling naglalaro ng card game na Rakatak na may pustang pera. Samantala, sa ikalawang mesa, naaresto sina alyas “Judith,” “Gloria,” “James,” “Jose,” at “Abe,” habang si alyas “Gibo” ay kinilalang spectator at si alyas “Fran” naman ay spectator at tong collector. Naaresto ang mga ito matapos umanong mahuling naglalaro ng Tong-Its na may pustahan.
Nakumpiska mula sa dalawang mesa ang mga baraha, iba’t ibang denominasyon ng pera at mga barya na umano’y ginamit bilang pusta at tong, gayundin ang iba pang kagamitan na ginagamit sa pagsusugal.
Dinala ang mga naarestong indibidwal sa San Mariano Community Hospital para sa medical examination bago inihatid sa Benito Soliven MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Presidential Decree No. 1602, as amended by Republic Act No. 9287.
Patuloy na pinaiigting ng Isabela Police Provincial Office ang mga operasyon laban sa illegal gambling bilang bahagi ng pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan sa mga komunidad. Hinihikayat din ang publiko na makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng napapanahong impormasyon hinggil sa mga ilegal na gawain.
Source: PNP Isabela



