Suspek sa pamamaril sa Sipalay, arestado sa mabilis na hot pursuit operation ng PNP

0
221

Arestado ng mga operatiba ng Sipalay Component City Police Station ang suspek sa pamamaril na ikinasugat ng isang lalaki matapos ang isinagawang hot pursuit operation sa Sitio Bactulon, Barangay Camindangan, Sipalay City, Negros Occidental noong Agosto 2, 2026.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos ipagbigay-alam ng security guard ng Merciditas J. Montilla District Hospital na may dinalang biktima ng pamamaril ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO). Agad na rumesponde ang mga imbestigador at napag-alamang binaril umano ang biktima habang nag-aayos ng kanyang motorsiklo sa harap ng bahay ng kanyang kamag-anak.

Ayon sa salaysay, ang suspek na kilala sa alyas na “Alex” ay bigla na lamang umanong lumapit at pinaputukan ang biktima gamit ang isang improvised pistolized shotgun. Tinamaan ang biktima sa kanang bahagi ng kanyang ulo. Lumalabas din sa imbestigasyon na may matagal nang personal na alitan ang dalawa.

Narekober mula sa suspek ang isang improvised pistolized shotgun, dalawang bala ng 12-gauge shotgun, at isang basyo ng 12-gauge shotgun shell na magsisilbing mahalagang ebidensya sa isinasagawang imbestigasyon. Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek para sa tamang disposisyon habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.

Pinuri ni PBGen Romano V. Cardiño, Regional Director ng Police Regional Office Negros Island Region, ang mabilis at mahusay na pagtugon ng mga operatiba.

Patuloy namang paiigtingin ng PRO NIR ang mga operasyon laban sa kriminalidad sa ilalim ng SAFE NIR Dial 911 Program, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng adbokasiya ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, At Nararamdaman.”

Panulat ni Pat Andrea Dominique Depalubos

Source: PRO NIR

Leave a Reply