Arestado ang isang lalaki sa isinagawang COMELEC checkpoint ng mga awtoridad kaugnay sa 1st Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) Elections sa Sitio Duran Detachment, Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte noong Lunes ng hapon, Agosto 3, 2026.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Mark Harry A. Boglosa, Chief of Police ng Parang Municipal Police Station, ang suspek na si alyas Abril, residente ng Barangay Rebuken, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte na nakuhanan ng isang BUL M-5 kalibre .45 na pistola na may serial number 050305, isang magazine na kargado ng 14 na bala, at ilang dokumentong ipinakita bilang awtorisasyon sa pagmamay-ari at pagdadala ng naturang baril.
Matapos busisiin ng mga awtoridad ang dokumento, lumabas na hindi tugma ang mga dokumentong ipinakita nito sa detalyeng nakasaad sa baril na kanyang dala, dahilan para arestuhin ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa COMELEC Gun Ban at Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng Parang Municipal Police Station at 3rd Maneuver Platoon, 1401st A Company, Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 14-A.
Muling pinaalalahanan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang uri ng armas habang nasa panahon ng halalan. Ang ganitong mga operasyon ay bahagi ng mas malawak na hakbang ng PNP upang palakasin ang tiwala ng mamamayan at protektahan ang karapatan ng bawat Pilipino sa isang mapayapang pagboto na layunin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” na naglalayong mapanatili ang kaayusan sa rehiyon ng Bangsamoro.



