Php340K halaga ng hinihinalang shabu, huli sa buy-bust operation sa Tabaco City

0
240

Isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga na kinilala sa alyas na “Norman” ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Tabaco City Police Station, at iba pang law enforcement units noong hapon ng Agosto 4, 2026 sa lungsod ng Tabaco.

Ayon sa ulat, nadakip ang suspek matapos umano itong magbenta sa isang poseur-buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na humigit-kumulang 50 gramo at Standard Drug Price na umaabot sa Php340,000.00. Samantala, nakatakas ang isa pa umanong kasamahan ng suspek na nakilala lamang sa alyas na “Alex,” na kasalukuyan nang tinutugis ng mga awtoridad.

Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin sa operasyon ang isang pakete ng sigarilyo at isang brown envelope. Agad na isinagawa sa lugar ng operasyon ang wastong pagmamarka, imbentaryo, at dokumentasyon ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga itinakdang mandatory witnesses, alinsunod sa mga probisyon ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine. Matapos sumailalim sa medical examination, isinailalim siya sa kustodiya ng PDEA kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng mga naaangkop na kaso.

Patuloy namang pinaigting ng Albay Police Provincial Office sa pamumuno ni PCol Noel Donato Nuñez ang kampanya laban sa ilegal na droga sa ilalim ng programang “Serbisyong NOEL – Nararapat, Organisado, Epektibo at Laging Maaasahan.” Anila, nananatiling matatag ang kanilang layunin na sugpuin ang ilegal na droga at iba pang anyo ng kriminalidad upang mapanatili ang isang ligtas, mapayapa, at maayos na pamayanan sa buong lalawigan ng Albay.

Leave a Reply