Focus crimes sa bansa, bumaba ng 36.12% noong Hulyo 2026

0
61

Naitala ng Philippine National Police (PNP) ang 36.12% pagbaba ng mga focus crime sa buong bansa mula Hulyo 1 hanggang 31, 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Batay sa pinakahuling datos, bumaba ang bilang ng mga insidente mula 3,458 kaso noong Hulyo 2025 tungo sa 2,209 kaso ngayong Hulyo 2026, o katumbas ng 1,249 mas kaunting krimen, na sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng publiko.

Kabilang sa walong focus crimes, ang pinakamalaking pagbaba ay naitala sa rape (56.93%), sinundan ng carnapping ng motor vehicles (46.15%), carnapping ng motorcycles (42.59%), physical injury (40.40%), robbery (34.34%), theft (31.28%), homicide (5.26%), at murder (4.61%).

Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga pulis sa buong bansa sa kanilang dedikasyon sa pagpapatupad ng batas, kasabay ng paalala na hindi nagtatapos sa pagbaba ng bilang ng krimen ang kanilang tungkulin. Aniya, patuloy na palalakasin ng PNP ang crime prevention, police operations, at pakikipag-ugnayan sa publiko upang higit pang mapigilan ang kriminalidad at mapanatiling ligtas ang mga pamayanan.

Ipagpapatuloy ng PNP ang pagpapaigting ng mga hakbang sa crime prevention, law enforcement, at community engagement upang higit pang mabawasan ang kriminalidad at mapalakas ang tiwala ng publiko sa kapulisan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PNP-PIO

Leave a Reply